KALIBO, Aklan – Hindi mahulugang karayom ang libo-libong mga debotong nakibahagi sa pilgrim mass at nakisaya sa selebrasyon ng Sto. Niño Ati-Atihan Festival 2024 sa bayan ng Kalibo, Aklan.
Sa ginanap na misa bilang isa sa mga highlights sa aktibidad ng simbahang katolika, binigyang diin ni Bishop Most Reverend Jose Corazon Talaoc ng Diocese of Kalibo na isabuhay ang magagandang regalong bigay ng Batang Hesus; ang pananampalataya sa kaniya ay dapat nagmula sa puso ng bawat isa at hindi naimpluwensyahan ng kahit sinuman.
Ang taunang Ati-Atihan Festival sa bayan ng Kalibo ay isang weeklong celebration kung saan, kaliwa’t kanan ang mga aktibidad na isinasagawa ng simbahang katolika at lokal na pamahalaan kung kaya’t itinuturing ito na Mother of All Philippine Festivals.
Maliban sa 34 na mga tribu at grupo na nagpasikat sa street dancing suot ang kanilang mga makukulay, bongga at malalaking mga costumes ay mayroon din na nakilahok na pinahiran ng uling ang buong katawan bilang pagbalik-tanaw sa sinimulan ng selebrasyon.
Nasa 2,000 mga uniformed police officers mula sa Police Regional Office VI ang ipinakalat sa iba’t ibang activity areas katuwang ang iba pang force multipliers at tiniyak ang kaligtasan ng mga turista, deboto at merry makers sa ginanap na weeklong celebration.
Nabatid na ang malaking selebrasyon ng kapyestahan ni Sr. Sto. Niño de Kalibo ay ilang buwan na pinaghandaan ng simbahang katolika at ng lokal na pamahalaan.