-- Advertisements --

Muling nagtanim ng libo-libong mga bombo ang North Korea sa mga border nito.

Batay sa inilabas na ulat ng South Korea, maraming mga sundalo ng North ang naglagay sa mga landmines sa border, sa kabila ng napakainit na panahon.

Nagtayo rin umano ang North ng mas maraming mga bakod sa frontline area, kaharap ang karibal na South.

Bagaman hindi idinetalye ang eksaktong bilang ng mga itinanim na bomba, naniniwala ang South na ito ay umaabot sa ‘tens of thousands’.

Ayon sa South, sa nakalipas na buwan na pinipilit ng North na palakasin ang depensa nito sa demilitarized zone, o ang lugar na nagsisilbing border ng dalawang Korea, mayroon na umanong hanggang sampung pagsabog.

Ang mga naturang pagsabog ay nagresulta sa pagkamatay ng maraming mga sundalo nito.

Naglabas din ang South ng ilang mga larawang kuha sa ginagawang pagtatanim ng mga landmine.

Ayon sa South, ang mga naturang larawan ay nagpapakita ng hindi maayos na kondisyon ng mga sundalo ng North na nagta-trabaho rito.

Kabilang umano sa mga kailangang danasin ng mga sundalo ay ang tuloy-tuloy na pagtatrabaho nang walang kahalili.

Ang mga sundalo ay napipilitan umanong magtrabaho mula 12 hanggang 13 oras kada araw.

Maalalang sa mga nakalipas na buwan ay ilang mga sundalo na ng North ang nag-abandona sa kanilang mga kampo at tumakas patawid sa South.

Maliban sa mga sundalo, ilang mga top diplomats na rin ang kumalas at pumunta ng South Korea dahil sa iba’t ibang mga kadahilanan.