Nagdeploy ang pamahalaan ng Estados Unidos ng tatlong libong mga marines at sailors sa Middle East.
Ayon sa U.S. Naval Forces Central Command, ang deployment ng mga ito ay para mapigilan ang Iran na sakupin at kamkamin ang mga merchant ships na napapadaaln sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Defense Secretary Lloyd Austin, una niya itong ipinag-utos nitong nakalipas na buwan, kasabay ng mga ulat na ginagawang panghaharass ng Iranian troops sa mga commercial ship sa Middle East.
Batay kasi sa hawak na impormasyon ng US Defense, simula pa 2021 ay ginagawa na ng Iran ang panghaharass sa mga nasabing barko, kung saan umabot na sa halos 20 merchant vessel ang kanilang nakamkam.
Depensa ng US Defense Secretary, isang malaking banta sa seguridad at kapayapaan ng middle east ang ginagawang ito ng Iran.
Samantala, ang mga tropa ng US na ipinadala sa lugar ay may kakayahang magsagawa ng high-level military operations, combat, special operations, at crisis response.
Dumating ang mga sundalo sa nasabing lugar, sakay ng USS Carter Hall, at USS Bataan. Ang dalawang barko ay may kakayahang magkarga ng mga aircraft, military trucks, tactical vehicles, at iba pang kagamitan ng militar.