-- Advertisements --

Muling ipapakita ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kanilang suporta kay dating Pang. Rodrigo Duterte bukas, Marso-28, kasabay ng ika-80 birthday celebration ng dating pangulo.

Ayon sa Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP–Laban), libo-libong mga OFW ang una nang nag-organisa ng mga prayer rally at pagtitipon na isasagawa sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Ito ay bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa dating pangulo na kasalukuyang naka-detene sa International Criminal Court (ICC).

Batay sa inilabas na listahan ng PDP, ang mga pagtitipon ay gaganapin sa Papua New Guinea, Brunei, Ireland, China, Qatar, Bahrain, Saudi Arabia, England, New Zealand, at Vietnam.

Ang tatlo sa pinakamalalaking pagtitipon ay gaganapin sa USA, Netherlands, at Austalia.

Sa USA, gaganapin ang pagtitipon sa walong magkakaibang estado tulad ng Texas, New York, Michigan, Washington DC, Arizona, Florida, Nevada, at California

Sa Australia, ang mga pagtitipon ay gaganapin sa Canbera, Sydney, Tasmania, Queensland, at New South Wales.

Sa The Netherlands, inaasahang maraming mga Pinoy ang magsasama-sama sa harapan ng International Criminal Court upang muling ipakita ang kanilang suporta sa dating pangulo.

Ang mga ito ay bubuuin ng mga OFW mula sa iba pang European countries na bibiyahe papuntang The Hague kasabay ng birthday ni Duterte.