ILOILO CITY – Libu-libong mga Pinoy mula sa iba’t-ibang bansa sa Europa ang nakilahok sa isang cultural festival sa Italya kung saan ipinag-diwang din ang 125th Independence Day ng Republika ng Pilipinas.
Ayon kay Bombo Steven Mark Espinosa direkta sa Milan, Italy, dumalo sa pagtitipon ang mga Pilipino mula sa Hilagang Italya, France, Switzerland, at maging sa Estados Unidos ng Amerika.
Ito umano ang pinakamalaking gathering sa Parco Idroscalo sa Milan mula nang mangyari ang coronavirus pandemic.
Bida rin ang cultural performances ng iba’t ibang lalawigan sa Pilipinas kabilang na ang Dinagyang performance ng Ilonggo warriors.
Marami rin ang natuwa dahil sa kinasasabikang mga produkto at mga pagkain mula sa bansa.
Bago nito, napag-alamang may free concert din sa Basilica di San Vitorre Al Corpo kung saan featured ang songs of struggle, freedom, and unity mula sa Katipunan period hanggang sa kasalukuyan.