Lumikas ang libo-libong pamilya mula sa northern Luzon sa gitna ng pagragasa ng bagyong Marce.
Sa Cagayan Valley, mayroong inisyal na 30,088 indibidwal o katumbas ng mahigit sampung libong pamilya ang naitalang lumikas bago pa man ang malawakang pagragasa ng bagyo.
Tuloy-tuloy pa itong nadadagdagan habang nagpapatuloy ang hagupit ng bagyong Marce at kinailangan nang magsagawa ng forced evacuation lalo na sa mga lugar na malapit sa mga karagatan.
Sa Ilocos Norte, ang katabing probinsya ng Cagayan province, mahigit 180 pamilya rin ang inisyal na lumikas mula sa mga high risk area. Tuloy-tuloy din ang monitoring ng mga lokal na pamahalaan para sa karagdagan pang paglikas ng mga residente.
Sa Cordillera Administrative Region, sunod-sunod na rescue at evacuation operations ang isinagawa ng mga rescuers sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Pagsapit ng gabi, ilang mga lokal na pamahalaan na rin ang nag-abiso na tumigil na muna ang mga ito sa rescue operations dala ng banta at panganib na dulot ng malakas na hangin at mabilis na agos sa mga kailugan.
Isa rito ang probinsya ng Apayao kung saan pagsapit ng hatinggabi ay itinigil na ang mga rescue efforts para ma-protektahan ang mga kaligtasan at kapakanan ng mga rescuers.
Sa mga bayan ng Aparri, Sta, Ana, Buguey, atbpang coastal town ng Cagayan, na nasa dulong bahagi ng Mainland Luzon, itinigil din ang rescue operations dahil sa zero visibility, dahil pa rin sa bagsik ng bagyo.
Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy na nagbabanta ang bagyong Marce sa malaking bahagi ng Northern Luzon.