-- Advertisements --

ILOILO CITY – Bumuhos ang mga pasahero sa mga pantalan kasunod ng kanselasyon ng flights patungong Metro Manila dahil sa phreatic eruption sang Taal volcano.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Engr. Jose Venancio Vero, Regional Director ng Maritime Industry Authority 6, sinabi nito na patuloy ang byahe ng mga barko at fastcraft na may ruta Iloilo-Manila vice versa.

Ayon kay Vero, sa kanilang monitoring, apektado ang byaheng Mindoro-Batangas vice versa dahil sa ash fall.

Matapos ang pagkansela ng byahe ng airline companies, inihayag ni Vero na dumagsa ng mga pasahero sa pantalan.

Sa kabilang dako, umaabot sa libo-libong pasahero ang apektado ng pansamantalang pagkansela ng byahe sa Iloilo International Airport.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Manuela Luisa Palma, airport manager ng Iloilo International Airport, sinabi nito na umabot sa 15 flights ang kinansela dahil sa phreatic eruption ng Taal volcano.

Para sa mga apektadong pasahero, maaari silang makigpag-ugnayan sa airline companies para sa rerouting o refund ng kanilang ticket.

Dahil dito, hindi naiwasan na may mga pasaherong umalma hinggil sa re-booking ng kanilang flights.