Inalerto na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang lahat ng unit nito, lalo na ang Search, Rescue and Retrieval Units para sa kanilang Humanitarian Assistance and Disaster Response sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng Super Typhoon Mawar.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Medel Aguilar, nakaposisyon na ang lahat ng kanilang kagamitan habang papalapit si bagyong Mawar sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Maliban dito, pinapatiyak din ng pamunuan ng AFP ang regular na koordinasyon sa mga Local Government Units na maaaring maapektuhan sa pananalasa ng nasabing bagyo.
Sa kabuuan, mayroong 7,970 AFP personnel, 4,242 Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) na active auxiliary members at 180 reservists ang nakaalerto bilang first responders.
Kabuuang 2,518 na land transport, 20 air assets, at 265 water assets ang nakahanda na para sa mga isasagawang rescue operations. Maaari aniyang gagamitin ng mga tauhan ng AFP ang mga ito sa sandaling may mga residenteng pwersahang ililikas sa mga vulnerable areas.
Naka-standby na rin aniya para sa deployment ang air at naval assets para sa aerial assessment, transport, at evacuation operations kapag kailanganin.
Pagtitiyak ng opisyal na magdaragdag pa ang AFP ng mga assets nito kung kinakailangan ng mga apektadong LGU.