Umabot sa 7,000 Filipino ang nakibahagi sa ‘Takbo Para sa West Philippine Sea’ kahapon, July 7.
Ito ay isang advocacy run para mapataas ang morale ng mga uniformed personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard na patuloy na nagbabantay sa West Phil Sea.
Nagpasalamat naman si Philippine Coast Guard (PCG) spokesman for WPS Commodore Jay Tarriela sa mataas na bilang ng mga Pinoy na sumali sa marathon.
Ang mataas na bilang aniya ay indikasyon ng pagsuporta ng mga ordinaryong mamamayan sa adbokasiya ng pamahalaan na maprotektahan ang WPS.
Ang unang bahagi nito ay ginanap sa Pasay City kahapon habang ang ikalawang bahagi ay nakatakda sa Agusto-4.
Ito ay gaganapin sa Cebu City.
Magsisilbing host naman ang Cagayan De Oro sa ikatlong ‘Takbo Para sa West Philippine Sea’ na nakatakda sa September 8, 2024.
Ayon pa kay Tarriela, pangunahing layunin ng naturang aktibidad na itaas ang kamalayan ng publiko ukol sa pagtindig ng bansa sa WPS.
Hindi lamang aniya mga mamamayan ang nagbibigay-suporta kungdi maging ang iba’t-ibang mga LGU, na isa na umanong positibong sinyales para sa paglawak ng suporta.