LEGAZPI CITY – Libo-libong tilapia ang natuklasang nangamatay matapos ang pagsabog ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon.
Dalawang barangay sa bayan ng Juban ang nagtamo ng malaking pinsala sa fisheries sector partikular na ang Puting Sapa at Buraburan.
Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol information officer Nonie Enolva sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa P100, 000 ang halaga ng paunang pinsala na na-assess ng tanggapan sa ilang fishpond pa lamang o umaabot sa 5, 000 tilapia na nasa harvestable size na sana.
May ilang backyard fishponds pang susuriin habang nagsagawa na rin ng water quality assessment maging sa ilang ilog lalo na sa Sorsogon Bay.
Nakatakdang iproseso ang resulta nito ngayong araw.
Sinabi pa ni Enolva na bukas naman sa restocking ng tilapia fingerlings pero kailangan muna umanong makatiyak na nasa normal range na ang chemical parameters ng tubig.
Samantala, nasa Buraburan din ngayon ang mga tauhan ng Department of Agriculture (DA) Bicol.
Kagaya ng isinagawa kahapon sa Brgy. Puting Sapa, nilalayon ng mga ito na magbigay ng animal emergency response upang maibsan ang stress na idinulot sa mga alagang hayop.