Malaking tulong para sa pambansang pulisya ang ibibigay na libreng armas ng China sa Pilipinas na nasa 23,000 brand new units ng M4 rifles.
Ayon kay PNP chief Dir. Gen Ronald Dela Rosa, malaking tulong ito para sa fire fighting capability ng PNP lalo na sa mga lugar na may probelma sa peace and order situation.
Pahayag ni Dela Rosa, magagamit na ang mga nasabing mga armas sa mga police station na mataas ang banta sa seguridad kung saan may presensiya ng mga NPA, ASG at iba pang mga threat groups.
Aminado ang heneral na dahil sa kakulangan ng mga armas kung kaya’t na-overrun ng mga rebelde ang ilang mga police stations sa malalayong lugar.
Prayoridad, aniya na ipamahagi ang mga libreng armas sa mga police stations na may mga threat groups na nag-o-operate sa mga nasabing lugar.
Kinumpirma rin nito na hinahanda na sa ngayon ang mga papeles para sa government-to-government project para sa China na magbibigay ng 23,000 M4 assault rifles sa PNP.
Magugunita na noong nakaraang taon pinigilan ng United States ang pagbenta ng nasa 27,000 assault rifles sa Pilipinas dahil sa isyu ng human rights kaugnay sa giyera kontra droga ng PNP.
Inihayag ni Dela Rosa na kung matutuloy pa rin ang pagbenta ng mga armas mula sa US ay mas maganda dahil mas marami pang armas ang kanilang kakailanganin ngayong nasa 175,000 sa kabuuan ang PNP personnel.