-- Advertisements --
Screenshot 20210419 185333 Video Editor

Mas marami pang serbisyo ang ibinibigay ngayon ng Matatag Community Pantry sa Quezon City.

Hindi lang pagkain ang ibinibigay nilang serbisyo dahil mayroon din silang libreng HIV testing, libreng mga condom at serbisyo gaya ng pagbibigay ng payo sa safe sex at violence against women.

Ayon kay Nica Dumlao, isa mga mga organizers ng pantry, ngayong Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic daw kasi ay mayroong mga partners na nakakulong lang sa bahay kaya naman kailangan pa rin silang maprotektahan.

Aniya, may nakita na raw siyang mga kababayan na kumuha na ng condoms kabilang na ang mga tricycle drivers at mga miyembro ng LGBT.

Kabilang din sa kanilang layunin ang mapigilan ang pagkalat ng HIV kaya naglagay na sila ng mga contact information ng mga taong tatawagan ng mga residente para sa free testing.

Ang Matatag Community Pantry ay inorganisa ng mga magkakaibigan na lahat ay advocates para sa mga kababaihan at LGBT rights.

Samantala, sa P. Noval Community Pantry naman sa Sampaloc sa lungsod ng Maynila, nasa 200 katao ang nakinabang kanina sa mga pagkaing ibinahagi ng ating mga kababayan.

Screenshot 20210419 191437 Viber

Sinabi ni Toots Vergara, founder ng P. Noval Community Pantry na maaga pa lamang ay naubos na ang mga ibinahagi ng mga ordinaryong mga mamamayan ng Maynila na tulong.

Mayroon din umanong nagbigay ng cash na pinambili rin nila ng mga pagkain para sa mga residenteng hikahos sa buhay.

Kasabay nito, may panawawagan naman si Vergara sa lahat ng gustong magbigay ng kanilang tulong.