-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Inaasahang masisimulan na ang libreng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) RT-PCR tests sa mahigit sa 4,000 tourism workers sa isla ng Boracay, ang nangungunang tourist destination sa bansa.

Ito ay makaraang bigyan ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan si Governor Florencio Miraflores ng otoridad na lumagda sa isang kasunduan sa Tourism Promotions Board (TPB), isang sangay ng Department of Tourism (DoT) para sa swab tests ng mga manggagawa sa isla.

Ikinatuwa ng provincial government ang naturang programa na maliban aniya na makakatiyak sa kalusugan ng mga manggagawa at sa kaligtasan ng mga turista na kanilang makakasalamuha ay lalo pang mapalakas ang tiwalang ligtas magbakasyon sa Boracay.

Naglaan ang DoT sa pamamagitan ng Special Contingency Fund ng TPB ng nasa P10 million para sa “Project RT-PCR” testing para sa hospitality at tourism workers ng isla.

Oktubre 1 nang buksan ang Boracay sa mga turistang nagmula sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine.