-- Advertisements --

Libreng bubuksan muli sa publiko ang Manila Zoo para sa buong buwan ng Enero.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na ito ay ipapatupad habang ginagawa pa ang ordinansa kung magkano ang itatakdang entrance fee dito.

Sa ngayon ay pinag-aaralan pa aniya ng nila na itakda sa P100 hanggang P200 ang halaga ng entrance fee sa Manila Zoo upang maging abot kaya ito para sa lahat.

Pinaaantabayanan naman ng alkalde sa bawat isa ang kanilang ilalabas na mga alituntunin para dito sa mga susunod na araw tulad na lamang ng kapasidad na tatangapin sa loob ng zoo, gayundin ang itatakdang opening at closing schedule nito.

Upang maiwasan naman aniya ang pagdagsa ng mga taong bibisita ay ipatutupad ang first come, first serve policy at maaari naman na maghintay sa mga mas pinalawak pang parking lot ang iba na magnanais na pumila para makapasok dito.

Sinabi rin ni Mayor Isko na sa ngayon ay hindi pa opsyon ang online booking para sa mga nagnanais na bumisita sa Manila Zoo dahil hindi aniya lahat ay may access sa internet.

Sa kabila nito ay tiniyak din niya na gagamit din ng online payment ang zoo pagdating ng panahon ngunit sa ngayon ay pag aaralan muna aniya nila ang mga bagay ukol dito.

Samantala, ang muling pagbubukas ng Manila Zoo ay kasabay ng ika-125 na anibersaryo ng kamatayan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.