Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Department of Health (DOH) at Department of Interior and Local Government (DILG) na mamigay ng libreng face masks at alcohol sa mga evacuation centers.
Ito ay para na rin protektahan ang mga evacuees mula sa banta ng coronavirus disease.
Ayon kay Hontiveros, dapat ay siguraduhin ng bawat ahensya na functional ang mga sanitary facilities sa mga evacuation centers at mahigpit na ipinatutupad ang mga health protocols.
Mas malala pa aniya ang magiging sitwasyon ngayong kung magsisilbing COVID superspreader ang mga evacuation centers sa bansa. Lalong lalo na para sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo, nawalan na raw kasi sila ng ari-arian ay dadagdag pa sa kanilang problema kung magkakasakit sila.
Base umano sa datos na nakalap ng kampo ng senador ay may mga naiuulat nang COVID-19 positive sa mga evacuees sa ibang bansa na tinamaan din ng mga nagdaang bagyo.
Hiniling din nito sa DOH na magpadala ng mga doktor sa mga evacuation centers upang tingnan kung may nararamdaman ang mga ito na sintomas ng kung anomang sakit.
Ani Hontiveros, dapat ay pagtuunan ng pansin sa mga panhaon ngayon ang mga senior citizens, mga bata at immunocompromised individuals. Kung sakali raw kasi na isa sa mga evacuees ang magpositibo sa deadly virus ay mayroon na kaagad na nakahandang isolation facilities at referrals sa mga ospital.
Malaki umano ang matutulong nito upang siguruhin na mananatiling ligtas ang bawat residente hanggang sa muli na silang makatayo mula sa pagkakadapa dahil sa bagyong Ulysses.