-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Maagang pamasko handog ng City Government ng Kidapawan kasama ang LGBT community sa lungsod ang sampung araw ng libreng gupit sa City Convention Center.

Sinimulan na ang aktibidad kahapon bilang pagbibigay serbisyo ng mga kasapi ng LGBT sa mga taga lungsod.

Libre ang gupit samantalang abot-kayang halaga na P30 lamang ang babayaran kung magpapa-manicure o pedicure, ayon pa sa Public Employment Services Office o PESO na nag-initiate ng nabanggit na aktibidad.

Mula 8am hanggang 5pm ang pagbibigay ng serbisyo ng mga LGBT partners sa nabanggit na lugar na matatagpuan sa JP Laurel street sa likod ng City Gymnasium ng lungsod.

Pinasalamatan naman ni City Mayor Joseph Evangelista ang mga LGBT na sumali sa aktibidad bilang pakikiisa nila sa pagdiriwang ng kapaskuhan.

Magtatagal ang libreng gupit at murang manicure at pedicure sa nabanggit na lugar hanggang December 3 o katumbas ng 10 araw.

Hindi naman kasali ang mga araw ng Sabado at Linggo ayon pa sa PESO.

Ito ay upang mabigyan ng panahon na makapagpahinga ang mga sumaling LGBT sa mga araw ng weekends.