Hiniling ni Senador Jinggoy Estrada ang pagkakaloob ng libreng matrikula sa mga kawani ng gobyerno na kumukuha ng master’s degree sa mga state universities and colleges (SUCs).
Inihain ng Senador ang Senate Bill No. 2277, ang panukalang Government Employees Free MA Tuition in SUCs Act, upang gawing libre ang tuition sa mga SUCs ng mga career at non-career na empleyado ng gobyerno na nais makapagtapos ng dalawang taon na masteral program.
Ani Estrada, ang mga kawani ng gobyerno ay may mahalagang papel sa human resources ng bansa kaya’t importante aniya na mabigyan sila ng mga oportunidad na maitaas ang antas ng kanilang edukasyon at kasanayan.
Ayon sa senador, may ilang ahensya na nagbibigay na ng scholarship grants tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Presidential Communications Office (PCO) sa mga kwalipikadong kawani na nagma-masteral.
Para maging kwalipikado sa panukalang batas, ang mga non-career contractual government personnel ay dapat nasa serbisyo ng hindi bababa sa limang taon at pumasa sa entrance examination at iba pang admission at retention requirements ng SUCs.
Ang mga nagawaran na dati ng mga government-sponsored graduate education scholarships sa anumang higher education institution, pampubliko man o pribado, dito o sa ibang bansa ay hindi na kwalipikado.
Bukod dito, ang mga bigong makatapos ng kanilang master’s degree sa loob ng prescribe period ng kanilang graduate education program ay madi-disqualify.