-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Nakatakdang magbigay ng libreng operasyon para sa mga taong may bingot (cleft lip) at ngongo (cleft palate) ang organisasyon ng Smile Train Philippines.

Ito mismo ang masayang ibinahagi sa Bombo Radyo Dagupan ni Mam Yvonee Macom, medical coordinator ng nasabing grupo.

Ayon kay Macom, handa umano silang magsagawa ng libreng surgical outreach para magbigay ng bagong ngiti sa mga indibidwal na may ganitong uri ng kapansanan.

Paglilinaw pa niya, walang dapat ikabahala ang mga magiging pasyente sapagkat libre umano ang gagawin nilang operasyon pati na mga kakailanganing antibiotic at mga gamot.

Maaari namang sumailalim sa kanilang surgical operation ang mga sanggol na may bingot at nasa apat na buwan na habang isang taon hanggang labing anim na taong gulang naman para sa mga ngongo. Pasok din aniya dito ang mga matatanda na may edad 60 pababa.

Kaagapay ang Bombo Medico ng Bombo Radyo Philippines, magkakaroon ng pre-cleft mass screening ang Smile Train Philippines ngayong July 14 kung saan, bukod sa layuning matulungan at maalis ang marka ng pagkakaroon ng bingot, ay ang pangakong ibabalik ang kakayahan ng mga pasyente na magsalita ng normal.

Ang cleft lip ay kondisyon kung saan mayroong hiwa sa labi ng isang bata habang ang cleft palate ay hiwa o butas sa ngala-ngala na umaabot sa ilong.