Menos gastos at maginhawang biyahe ang dulot ng libreng sakay ng MRT-3 para sa mga bakunadong Authorized Persons Outside Residence (APORs), sa nagpapatuloy ng nasabing programa ngayong nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang NCR.
Ayon sa mga bakunadong APORs, malaki ang naititipid nila sa libreng pamasahe araw-araw at magmula noong August 21.
Ang libreng sakay ng MRT-3 ay tuwing peak hours lamang alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, at mula alas-5:00 hanggang alas-7:00 ng gabi.
Ayon sa bakunadong APOR na si Lyn Solano, halos P40 araw-araw ang naititipid niya at naitatabi para sa iba pang pangangailangan sa kanilang tahanan.
Para naman kay Ronnel Reyes, malaking bagay ang libreng pamasahe upang mahikayat din ang iba pang pasahero na gawin ang kanilang parte at magpabakuna laban sa COVID-19.
Ang mga APOR na nabakunahan ng isa o dalawang doses ng COVID-19 vaccine ay kwalipikadong makatanggap ng libreng pamasahe. Magtatagal ang libreng sakay sa MRT-3 hanggang August 31.
At upang makatanggap ng libreng sakay, kinakailangang ipakita ng mga APOR ang kanilang vaccination card sa security personnel sa mga istasyon, kasama ang alinman sa sumusunod na ID na nagpapatunay na sila ay APOR: Certificate of Employment (COE) at isang valid o government-issued ID; Professional Regulation Commission (PRC) ID; o company ID. Tanging mga APOR lamang ang pinahihintulutang makasakay ng MRT-3 sa ilalim ng MECQ.
Ang libreng sakay sa MRT-3 ay sa direktiba ni Department of Transportation – Philippines Sec. Art Tugade upang hikayatin ang mga pasahero na magpabakuna at matulungan ang mga ito sa pagbiyahe sa panahon ng pandemya.
Samantala, nasa kabuuang 31,251 mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) ang nakatanggap ng libreng sakay mula sa pamunuan ng MRT-3 kahapon, ika-23 ng Agosto 2021, sa oras ng peak hours mula ika-7:00 hanggang ika-9:00 ng umaga at mula ika-5:00 ng hapon hanggang ika-7:00 ng gabi.
Ang inisyatibong ito ay direktiba ni DOTr Sec. Art Tugade upang hikayatin ang mga pasahero na magpabakuna at matulungan ang mga ito sa pagbiyahe sa panahon ng pandemya.
As of August 23, 2021, ang MRT-3 ay nakapag silbi na ng 115,217 bakunadong pasahero.