Muling lalarga bukas ang sikat na Q City Bus ng Quezon City, matapos suspindihin muna ngayong araw ang biyahe nito.
Una rito ay naglabas ang LGU Quezon City ng abiso na nagsususpende muna sa pamamasada ng libreng bus ngayong araw at sa araw ng Lunes, Jan 1, 2024.
Ayon sa LGU Quezon, muling lalarga ang naturang bus bukas, Dec 31 upang magbigay ng libreng sakay sa mga mananakay. Magsisimula ito ala-1 ng hapon at magtatagal hanggang alas-8 ng gabi.
Mula 8PM bukas, magbibigay ang Quezon City government ng special trip at magtatagal hanggang alas-2 ng madaling araw sa Enero-1 2024.
Ang special service ay upang serbisyuhan ang mga commuter na nagnanais pumunta sa ‘QC Countdown to 2024’ sa Quezon Memorial Circle.
Maliban sa mga nabanggit na araw, araw araw ang serbisyo ng naturang bus na hatid ng Quezon City sa mga mananakay.
Kabilang sa mga ruta nito ay ang QC Hall papuntang Cubao, C Hall papuntang IBP Road, Welcome Rotonda papuntang Aurora Katipunan, QC Hall papuntang General Luis, at QC Hall papuntang Mindanao Ave. via Visayas Ave.
Bahagi rin ng ruta nito ang QC Hall papuntang Gilmore, QC Hall patungong C5 / Ortigas Ave. Ext. at QC Hall papuntang Muñoz.