-- Advertisements --

Sisimulan na ang implementasyon ng libreng sakay para sa mga rutang North Luzon Express Terminal (NLET) hanggang Araneta Center Cubao at mula sa NLET patungong NLET to ParaƱaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa ilalim ng Service Contracting Program Phase 3 ngayong araw, Abril 21.

Sa anunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), maaaring makapag-avail ng libreng sakay mula ala-1:00 ng madaling araw hanggang hatinggabi.

Tiniyak naman ng LTFRB na mayroong sapat na bilang ng mga sasakyan para sa mananakay na sasakay sa NLET patungo at magmumula sa Metro Manila.

Sa ilalim ng naturang programa, makakatanggap ang mga operator at driver ng benepisyo base sa bilang ng kanilang biyahe sa kada linggo.

Samantala, patuloy din ang paghahatid ng libreng sakay ng Edsa Busway Carousel mula sa oras na alas-4:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi.

Ayon pa sa LTFRB, asahan na magbubukas pa ng mas maraming ruta at magde-deploy ng mas marami pang public utility vehicles para sa programang libreng sakay sa bansa sa mga susunod na araw.

Matatandaan na inilunsad ang Service Contracting Program na layuning matulungan ang mga drivers at PUV operators na naapektuhan ang income dahil sa pandemiya at mataas na presyo ng gasolina.