-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umaasa ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) Region 2 na mapapalawig pa ang Libreng Sakay Program sa buong lambak ng Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Edward Cabase ng LTFRB Region 2, inihayag nito na matatapos ang October 30, 2021 ang Libreng Sakay Program na umaabot na sa mahigit 50,000 pasahero ang nakikinabang.

Ayon sa Regional Director, nasa 50,297 pasahero na ang ligtas na naisakay o naibyahe ng kanilang mga pampasaherong sasakyan na kabilang sa nasabing programa at nasa mahigit P4 miilion na rin ang tuluyang naibayad ng tanggapan sa mga kooperatibang kabilang sa nasabing programa.

Umaasa ang tanggapan na mapapalawig pa ito dahil sa pakinabang at positibong tugon ng publiko pangunahin na ng mga taong kabilang sa Authorized Persons Outside Resident (APOR).

Tiniyak naman ng tanggapan ang mahigpit na monitoring upang matiyak na hindi maniningil ng pasahero ang mga tsuper ng mga public vehicles na kabilang sa programa.