-- Advertisements --
cropped Transport strike libreng sakay

Posible umanong magtagal pa hanggang sa susunod na taon ang libreng sakay ng ating pamahalaan.

Ayon kay Senator Sonny Angara, naisama na raw kasi sa proposed 2023 national budget ang pondo para sa taong 2023 ang pondo para sa libreng sakay na programa ng ating pamahalaan.

Kaya naman malaki raw ang posibilidad na tuloy pa rin hanggang sa susunod na taon ang libreng sakay ng Department of Transportation (DoTr).

Una rito, may mga apelang ipagpatuloy ng gobyerno ang libreng sakay hanggang sa susunod na taon.

Noong buwan ng Agosto, sinabi ni Department of Transportation (DoTr) Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor na inihirit nila ang P12 billion na pondo para maipagpatuloy ang programa sa taong 2023.

Makapagbibigay ito ng libreng sakay sa mga commuters at makapagbibigay rin ng insentibo sa mga public utility vehicle (PUV) drivers at operators na kasali sa naturang inisyatiba ng pamahalaan.

Hindi raw kasali ang naturang pondo sa National Expenditure Program (NEP).

Ipinaliwanag naman ni Budget Undersecretary for Media Affairs, Community Relations, and Internal Audit Goddes Libiran na ang service contracting program ay isang non-recurring o one-time expenditure item.

Kung maalala ang Libreng Sakay program ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay inilunsad noong taong 2020 sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act para tulungan ang mga commuters at ang mga nasa public transport sector na apektado ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa ilalim ng service contracting program, ang mga kasaling PUV operators at drivers sa free ridership program ay makatatanggap ng one-time payout at weekly payments base sa bilang ng kilometrong tinakbo ng kanilang sasakyan kada linggo kahit na meron o walang pasahero ang mga ito.

Ipinagpatuloy din ng DoTr ang pagpapatupad ng programa noong 2021 hanggang 2022.

Samantala, sa Disyembre 1, magiging 24/7 na ang operasyon ng libreng sakay ng EDSA Busway.

Ito ay dahil na rin sa inaasahang pagbuhos ng mga pasahero sa Christmas season at ang adjusted mall hours sa Metro Manila.