Target ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maibalik ang programa ng gobyerno na libreng sakay sa EDSA Bus Carouse sa buwan ng Pebrero.
Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na agad na magpapatuloy ang free ride program kapag nailabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo at sa sandaling magawa ang tamang proseso ng dokumentasyon kabilang ang contract signing sa bus consortium.
Ang pondong nakalaan para sa Libreng Sakay ay nasa P1.4 bilyon at sinabi ni Guadiz na base sa kanilang tantiya ay tatagal pa ito hanggang sa Hulyo kapag nagsimula na ito sa Pebrero.
Kapag naubos naman ang P1.4 bilyon, sinabi ni Guadiz na hihingi sila ng supplemental budget mula sa Department of Transportation para gawin itong Libreng Sakay sa buong taon.
Magugunita na ang Libreng Sakay program sa pamamagitan ng EDSA Bus Carousel ay nagsimula sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic para sa matulungan sa transportasyon ang mga healthcare at essential workers kasabay ng hangaring mapanatili pa rin ang mga economic activity sa kabila ng mga ipinatupad na lockdown.
Ang multi-bilyong pondo na inilaan para sa libreng sakay ay natapos na noong Disyembre ng nakalipas na taon.