-- Advertisements --

Maghahandog ng libreng sakay sa Light Rail Transit 2 (LRT-2) para sa mga empleyado ng Maritime Industry Authority bukas, Hunyo 1 kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng ahensiya.

Sa isang advisory, sinabi ng pamunuan ng LRT-2 na maaaring i-avail ang naturang libreng sakay sa peak hours mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Kailangan lamang magpresenta ng mga empleyado ng ahensiya ng kanilang company ID sa station personnel.

Ayon naman kay LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera, ang naturang inisyatibo ay direktang pagtugon sa kahilingan ng MARINA para kilalanin ang dedikasyon at malaking ambag ng kanilang mga empleyado para sa pagsulong ng maritime industry.

Gayundin bilang pakikiisa ng LRTA at pasasalamat sa mga empleyado ng MARINA para sa kanilang dedikasyon, sakripisyo at hindi matatawarang pagseserbisyo sa maritime sector.