Magsisimula na ngayong araw ang isang buwan na libreng sakay para sa lahat ng mga pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Ipinahayag ito ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang naging rehabilitasyon ng naturang railway.
Pangungunahan ni MRT-3 acting general manager Michael Capati ang launching ng pagsisimula ng libreng sakay ngayong araw mula sa North Avenue station hanggang Taft Avenue station.
Dito kinakailangan pa rin na mag-tap ng mga pasahero ng kani-kanilang card ng walang bayad.
Ita-tap din ng mga beep card holder ang kanilang mga card ngunit hindi mababawasan ang laman nito, habang kinakailangan naman kumuha sa counter ng ibang mga pasahero upang mabigyan sila ng card para makapasok sa mismong train platform.
Maaaring makapag-avail ang mga commuter ng libreng sakay sa MRT-3 hanggang sa Abril 30, maliban na lamang sa mga araw na sasailalim ito sa scheduled maintenance mula Abril 12 hanggang Abril 17.
Samantala, magtatalaga naman ng four-car train sets ang pamunuan ng MRT-3 tuwing rush hours.
Aabot hanggang 400,000 na mga pasahero naman ang mabibigyan ng libreng serbisyo sa araw-araw ng nasabing railway, ayon sa MRT-3 management.