Inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang Telemedicine, isang programa na pwedeng sumangguni ang mga residente sa mga doktor at medical workers ng kanilang pangangailangang medikal nang hindi na kailangang magtungo sa ospital o health center.
Ito’y upang agad na maibigay ang mga pangangailangan at pangangalaga sa mga Taguigeño at maprotektahan ang frontliners, gamit ang teknolohiya habang nilalabanan ang COVID-19,
Maliban sa 31 health centers at 3 Super Health Centers na patuloy na bukas para magbigay tulong, ang mga residente ng Taguig ay maaari nang humingi ng medical assistance kahit pa nasa loob sila ng kanilang tahanan, kung saan pwede pa silang makatanggap ng mga gamot sa pamamagitan ng door-to-door delivery sa panahon ng quarantine.
Kahit na sa text at online lamang ay pwede nang magpa-konsulta sa doktor.
Ang mga health workers ay magdadala rin ng mga gamot at iba pang pangangailangang medikal sa harapan ng bahay mismo ng residente pati na rin ang iba pang medical services na kagaya ng bakuna.
Ayon kay Mayor Lino Cayetano, ang layunin ng programa ay masiguro na ang mga tao ay tumutupad sa itinakdang home quarantine, at para na rin maiwasan ng mga residente na makihalubilo sa maraming tao sa iisang lugar na pagsuway sa social distancing protocols.
Sa programang Telemedicine, sinisiguro rin na ang mga health workers sa syudad ay protektado at ligtas sa pagkalat ng coronavirus.
“Nais namin sa Taguig na pati ang ating mga tauhan at residente ay ligtas at protektado sa nakakahawang sakit na COVID-19,” wika ni Mayor Lino.
Upang mapakinabangan ang Telemedicine program, ang residente ay maaaring tumawag sa itinakdang Telemed contact number sa kanilang barangay, kung saan ito ay pinangangasiwaan ng mga tauhan mula sa City Health Office (CHO).
Ang mga taong ito ay naka-antabay mula 8AM hanggang 5PM. Kung sakali naman sa mga emergency cases, ang mga resident ay pwede ring magtungo ng diretso sa Taguig-Pateros District Hospital.
Matapos makuha ang lahat ng kinakailangan na detalye at clarifications, ang City Health Office ay magre-refer ng inyong kalagayan sa mga duktor, nurse o midwife, na magde-determina kung anong hakbang ang kailangang matugunan sa pasyente.
Tatawagan o ite-text ang pasyente upang mabigyan ng kaukulang instructions.
Ang lahat ng 31 health centers at 3 Super Health Centers ay may kapasidad na magsagawa ng teleconsultations na kinakailangan sa panahon ng quarantine upang maiwasan ang physical contact sa ibang tao.
Kung ang kaso ng pasyente ay maituturing na person under monitoring for COVID-19 o person under investigation, ang lahat ng protocols para sa COVID-19 ay ipapatupad at kailangan na masunod.
Kung medisina o gamot naman ang kailangan, ang duktor, nurse o midwife ang mismong magbibigay ng mga paraan upang ma-deliver ang mga medical supply at iba pang pangangailangang pangkalusugan sa bahay mismo ng pasyente.
Dalawa lamang na barangay health workers ang maghahatid ng mga gamot, kung saan ilalapag ito sa bangko na iiwanan o ilalagay ng pasyente sa karapan ng kanilang bahay.
Ang medical worker ang magde-determina kung ang pasyente ay mangangailangan pa ng medical evaluation sa health center o ospital.
Bukod pa rito, pinangunahan din ng Taguig City nitong Huwebes ang Telemedicine program sa isang barangay kung saan gumagamit ng mga iMac at Android phones.
Gamit ang teknolohiya, ang mga taong may sakit o masama ang pakiramdam ay maaaring magpa-konsulta gamit ang video call sa cellphone. Ito ay inaasahang ilunsad sa lahat ng 28 barangays sa susunod na linggo.
“Umasa po ang lahat na patuloy po ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa paghanap ng mabisa at maayos na paraan upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat sa syudad,” dagdag pa ni Mayor Lino.
Bukod pa sa mga inisyatibo sa Telemedicine, nagsasagawa rin ang lokal na pamahalaan ng Taguig ng house-to-house distribution ng mga gamot at iba pang serbisyong medikal para maprotektahan ang mga residente sa COVID-19.
Nag-iikot din ang mga health workers sa lahat ng barangay upang ihatid ang mga maintenance medicine sa diabetes, hypertension at asthma, TB at HIV, maging ang mga birth control pills. Ang mga bakuna ay isinagagawa rin sa bahay bahay.
Sa pamamagitan nito, ang mga residente ay di na kailangan magtungo sa health centers at makaiwas sa COVID-19 infection.
Ang mga health workers naman na nagdi-deliver ng mga gamot at serbisyo sa mga komunidad ay may suot lahat ng mask at may sariling gamit na alcohol. Sinusunod din nila ang social distancing protocol sa paghahatid ng mga gamot at medical services.