-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinayagan ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang pagsasagawa ng training bubble dito sa lungsod ng mga atleta ng bansa na sasabak sa 2021 Southeast Asian Games o 31st SEA Games na gaganapin sa Hanoi, Vietnam sa buwan ng Nobyembre.

Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, pagsuporta ito ng lokal na pamahalaan ng Baguio sa paghahanda ng bansa para sa nasabing biennial multi-sport event.

Aniya, mahalaga ang altitude training para sa mga atleta, kung saan, inisyal na napili na sasailalim sa nasabing training bubble dito sa Baguio ang mga atleta ng combat sports, athletics at 3×3 basketball.

Magsisilbi aniya ang Teachers’ Camp na venue ng training bubble na tatagal ng apat na buwan.

Dinagdag ni Mayor Magalong na libreng ipapagamit ng Baguio ang mga pasilidad nito para sa training bubble, kasama na ang accommodation ng mga atleta bilang counterpart ng lungsod dahil na rin sa maliit na pondo ngayon ng Philippine Sports Commission (PSC).

Gayunman, iginiit niya na kailangang masunod ang mga alituntunin laban sa COVID-19 habang isinasagawa ang nasabing training bubble.