Binuksan na para sa mga overseas Filipino workers (OFW) ang isang 24/7 VIP (very important person) Lounge sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.
Ininspeksyon nina Speaker Romualdez at OWWA Administrator Arnel Ignacio ang OFW lounge na matatagpuan sa ikaapat na palapag ng Terminal 1 malapit sa pre-departure area noong gabi ng Sabado.
Magbubukas din ng OFW VIP lounge sa Terminal 3.
Ang pagbubukas ng OFW lounge ay isinulong ni Zamboanga Sibugay Rep. Walter Palma na naghain ng panukala para sa pagpapatayo nito.
Ayon kay Speaker Romualdez ang paggamit ng VIP lounge ay libre anumang uri ng tiket ang hawak ng mga OFW.
Ang nasabing lounge ay katulad ng mga espasyong itinatayo ng mga airline company para sa kanilang mga business-class at first-class na pasahero na nagbabayad ng mas malaki kumpara sa mga pasahero na nasa economy.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang mga OFW VIP lounge ay mayroong komportableng upuan, wi-fi, charging stations, at power outlets, at pagkain gaya ng lugaw, sandwiches, biskuwit, itlog at mga katulad nito at inumin gaya ng tubig, kape, at juice.
Dagdag pa ni Speaker Romualdez, ang mga VIP lounge ay proyekto ng Kamara, Overseas Workers’ Welfare Administration, Department of Migrant Workers, at Manila International Airport Authority.
Ang lugar ay lalagyan din umano ng mga help desk para masagot ang tanong ng mga OFW.