-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Halos 100,000 Afghans ang naipon ngayon sa airport sa Kabul, Afghanistan at naghihintay ng eroplano para makaalis sa kanilang bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Joseph Glen Gumpal, Tubong Echague, Isabela at Pangulo ng Filipino Community sa Afghanistan at kasalukuyang nasa Kabul na bagamat inihayag na walang operations ang mga airlines ay nagdagsaan ang mga Afghans sa paliparan dahil umaasang tutulungan sila patungong Amerika.

Noong hindi pa napapasok ng Taliban ang Kabul ay nakakarinig ng pambobomba sa mga probinsiya ng Kandahar, Kunduz, Mazar-e-Sharif ngunit normal ang operasyon sa Kabul.

Mas nakakatakot anya ang katahimikan sa Kabul dahil noong pasukin ng Taliban ay walang narinig na anumang putok.

Nangangako naman ang mga Taliban na magiging mabuti sila sa mga International companies at NGOS na nasa Afghanistan dahil kinakailangan nila ng pondo para sa rebuilding ng kanilang bansa.