Sinaksihan mismo ng personal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-turn-over ng Russian Federation Defense Ministry sa Department of National Defense (DND) ng umaabot sa 20 multi-purpose military trucks, 5,000 AK-74 Kalashnikov rifles, isang milyong ammunitions o bala at 5,000 steel helmets.
Pasado alas-9:00 ng umaga kanina nang dumating si Pangulong Duterte sa Pier 15, lungsod ng Maynila kung saan nakadaong ang anti-submarine warship ng Russia na Admiral Pantaleev at sinalubong military honors mula sa Russian Navy.
Matapos nito, agad inikot ni Pangulong Duterte ang Admiral Pantaleev kung saan ipinakita ng Russian Navy ang mga modernong equipment sa loob ng barko gaya ng anti-submarine detectors at destroyer.
Maliban sa Russian warship, nagsagawa rin nang inspeksyon si Pangulong Duterte sa 20 military trucks na kasama sa donasyon ng Russian government sa Pilipinas.
Kasama ni Pangulong Duterte sina Defense Sec. Delfin Lorenzana, Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano, National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. at iba pang Defense officials.
Nanguna naman sa pagsalubong kay Pangulong Duterte sina Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev at kanilang Defense Minister na si Sergey Shoigun.
Ang okasyon ay naganap ilang araw matapos na ideklara ng administrasyon na tapos na ang giyera sa Marawi City makaraang magapi ang mga teroristang Maute-ISIS inspired group.
Kung maaalala kamakailan lamang ay tinanggap din ng Presidente ang napakarami ring armas mula sa China at maging sa Amerika.