-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Umabot na sa mahigit 2,000 baboy sa Isabela ang isinailalim sa culling matapos tamaan ng African Swine Fever (ASF).

Ayon sa Provincial Veterinary Office, mahigit 300 hog raisers sa 40 barangays sa 16 na munisipalidad sa lalawigan na ang naapektuhan ng ASF.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Angelo Naui, Provincial Veterinarian, sinabi niya na noong May 10, 2020 ay nagkaroon ng pinakahuling Culling sa bayan ng Ramon dahil nagkaroon ng 2nd wave ng ASF sa barangay Raniag.

Gayunman, agad namang nagsagawa ng culling ang kanilang tanggapan sa mahigit 100 baboy matapos lumabas ang resulta ng pagsusuri sa isang baboy ang nagpositibo sa ASF.

Aniya, hindi nakitaan ng sintomas o senyales ng ASF ang mga sinuring baboy sa Ramon, Isabela.

Kaugnay nito, ikinababahala ngayon ng Provincial Veterinary Office ang posibleng pagbabalik o 2nd wave ng ASF sa mga infected areas sa lalawigan.

Bilang tugon ay patuloy na nakikipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa mga lokal government units na mas lalong higpitan ang pagbabantay sa mga quarantine checkpoint gayundin ang monitoring upang hindi na ito kumalat pa.