-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Humigit kumulang 3,000 board feet ng pinutol na kahoy ang nasamsam ng mga otoridad mula sa natumbang forward truck sa Alicaocao, Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/MajorJerry Valdez, Chief ng Investigation and Operations ng Cauayan City Polica Station na nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen kaugnay sa berdeng forward truck na naglalaman ng mga pinutol na kahoy.

Agad nagsagawa ng operasyon ang PNP Cauayan City at nang makasalubong ang forward truck at pinigil ngunit sa halip na huminto ay binilisan ng drayber ang patakbo ng sasakyan.

Dahil sa paakyat na daan at paghabol ng mga pulis ay natumba ang sasakyan na naglalaman ng mga pinutol na kahoy.

Kaagad namang tumakas ang tsuper ng sasakyan ngunit nadakip ang dalawang helper na sina William Abu, 26 anyos at Guilbert Barroca, 20 anyos,kapwa residente ng Alicaocao, Cauayan City.

Walang maipakitang papeles kaugnay sa pagbigay ng mga pinutol na kahoy na kaagad nilang sinamsam.

Inihahanda naman ang kaukulang kaso laban sa dalawang helper at pinaghahanap pa rin ang drayber ng truck.