CAUAYAN CITY- Umabot sa halos 10,000 botante ang natanggal ang pangalan sa listahan ng Commission on Election Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Election Officer Epigenia Marquez, sinabi niya na karamihan sa mga tinanggal ay ang mga botante na hindi na nakaboto ng dalawang magkasunod na halalan habang ang iba ay namatay na.
Paliwanag nito na hindi naman sila basta nagtatanggal ng pangalan lalo na sa mga yumaong botante dahil nakikipag-ugnayan muna sila sa City Civil Registry Office.
Kaugnay nito ay patuloy ang voters registration sa Comelec Cauayan at umaabot sa limampo ang nagtutungo sa kanilang tanggapan bawat araw.
Isa sa nakikitang dahilan ng patuloy na pagpapatala ng mga residente ay ang pagiging bukas ng kanilang isipan sa karapatang bumoto.
Tiniyak naman nito na mahigpit na naipapatupad ang mga health protocols sa loob ng tanggapan.