KALIBO, Aklan—Magsasagawa ng malawakang prayer rally ang libo-libong Duterte Die-hard Supporters (DDS) Aklan chapter bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-80 anyos na kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) detention facility sa The Hague, Netherlands dahil sa kinakaharap nitong kaso na crimes against humanity kaugnay sa kaniyang war on drugs campaign.
Ayon kay Rossini Sayman, organizer ng DDS Aklan chapter, ang nasabing programa ay gaganapin sa ground ng Jetty Port sa Barangay Pook, Kalibo, Aklan na magsisimula alas-6:00 mamayang hapon.
Inaasahan aniya ang nasa 4,000 katao na dadalo sa nasabing event kung saan, ilan sa mga aktibidad na inihanda ay ang pagbibigay ng mensahe ng mga imbitadong personalidad at ang pagsalo-salo ng mga ito.
Maliban dito, ipagdadasal din nila si dating Pangulong Duterte na maibalik sa bansa matapos ang pansamantalang pagkapiit nito sa International Criminal Court (ICC) detention facility mula nang inaresto at inilipad papuntang The Hague, Netherlands noong Marso 11, 2025.
Dagdag pa ni Sayman na ang nasabing programa ay boluntaryo nilang ginastusan mula sa isusuot na mga t-shirt at maraming iba pa.