CAUAYAN CITY – Nagbigay na ng intensiyon ang pamahalaang lungsod ng Cauayan para sa pagbili ng 50,000 doses ng COVID- 19 vaccine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Cauayan City Mayor Bernard Dy, sinabi niya na nagkaroon ng pagpupulong ang League of Cities of the Philippines kasama si vaccine czar Sec. Carlito Galvez.
Aniya, sa naturang pagpupulong ay nagbigay na ng intention ang Cauayan City na makabili ng 50,000 doses ng bakuna.
Nilinaw naman ni Mayor Dy na hindi inoobliga ang publiko na magpabakuna gayunman hindi isinasantabi ang posibilidad na magkaroon ng restriction ang mga hindi mababakunahan o hindi magpapabakuna kontra COVID 19.
Bagamat wala pang napirmahang kontra sa anong klase ng bakuna ang bibilhin ay pinag-aaralan na ng lungsod ng bakunang Astrazeneca
Bilang paghahanda ay pinag-aaralan ding maisailalim sa pagsasanay ang mga health worker sa pangunguna ng DOH para sa proper vaccination process na inaasahang magsisimula sa Pebrero.
Una na ring inihayag ng national government ang pagbili ng 145 million doses ng bakuna para sa 70 million katao para makamit ang herd immunity.
Hinihikayat naman ni Mayor Bernard Dy sa pribadong sektor na bumili ng bakuna para sa kanilang mga empleyado.