CAUAYAN CITY – Tinatayang nasa kabuuang 16,541 families o 60,957 individual mula sa 30 munisipyo at 235 barangays sa rehiyon ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Maring.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Michael Gaspar, Disaster Information Officer ng DSWD Region 2 na batay sa kanilang datos pinakamaraming napinsala ng bagyong Maring sa bahagi ng Northern Cagayan kung saan ang bayan ng Aparri ang may pinaka-maraming apektadong pamilya na umabot sa 3,827 families na katumbas ng 13,677 individual.
Sa ngayon ay wala nang bukas na mga evacuation areas dahil nakauwi na rin sa kani-kanilang mga tahanan ang mga inilikas na pamilya.
Matapos na makapaghain ng ulat ang bawat LGU’s ng rehiyon ay agad na namahagi ang DSWD Region 2 ng mga family food packs at non-food items.
Mula Lunes hanggang ngayong araw ay tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pamamahagi ng tulong sa ilalim ng kanilang assistance in crisis situation kung saan nakatanggap ang mga apektadong pamilya ng cash na P5,000.
Sa kanilang talaan nasa 30 katao ang nabigyan sa Sta Terisita, Cagayan habang nasa 266 katao sa Buguey, Cagayan.
Bukod sa lalawigan ng Cagayan ay may naitala rin silang isang pamilyang naapektuhan sa Basco, Batanes, habang tanging ang bayan ng Divilacan lamang ang naapektuhan ng bagyo sa Isabela.
Naitala naman sa mga bayan ng Ambaguio, Aritao, Bayombong, Kayapa, Quezon at Solano na pinakanaapektuhan sa Nueva Vizcaya kung saan maraming naiulat na totally at partially damaged houses.