VIGAN CITY – Inihahanda na ng provincial government ng Ilocos Sur ang mga family food packs na ipapamigay sa mga biktima ng phreatic eruption ng bulkang Taal.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, tinatayang aabot sa 5,000 family food packs ang nakatakdang ipamigay sa mga biktima ng nasabing kalamidad na sa ngayon ay inaayos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)- Ilocos Sur.
Ang mga nasabing family food packs ay kinabibilangan ng tubig, noodles, bigas at iba pang pangunahing kailangan ng mga bakwit.
Una rito, ipinasa ng provincial board ang isang resolusyon upang pangunahan ng provincial government ang isang donation campaign para sa mga biktima ng pagsabog ng bulkang Taal.
Sa privilege speech ni Provincial Board Member Efren Rafanan sa kanilang regular session nitong nakaraan, binigyang-diin nito na noong sinalanta ng bagyo Ompong ang lalawigan ng Ilocos Sur, isa ang lalawigan ng Batangas sa mga tumulong kaya marapat lamang umano na ngayong sila ang nangangailangan ay tulungan din ng mga Ilocano ang mga Batangueño.