CAUAYAN CITY – Hinuli ng mga pulis ang isang caretaker dahil sa pagnanakaw ng 30 panabong na manok sa Bintawan Norte, Villaverde, Nueva Vizcaya.
Ang hinuli ay si Jeffrey Lopez na residente ng nabanggit na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pol Capt. Oscar Abrojena, ang hepe ng Villaverde Police Station, sinabi niya na dumating ang may-ari ng manukan at nakita na nawawala ang ilang mga panabong niyang manok.
Ang tig-isang panabong na manok ay nagkakahalaga ng anim na libong piso.
Dalawang panabong na manok ang nakuha mismo sa pinaghihinalaan dahil naibenta na ang ibang nakaw na manok.
Ang pinaghihinalaan ay nahaharap sa kasong qualified theft.
Sa pagsisiyasat ng Villaverde Police Station, sinabi ng suspek na kulang umano ang naibibigay na sahod ng kaniyang amo kaya nagawa niyang makapagnakaw.
Ngunit napag-alaman ng pulisya na nagsusugal at nagpupunta sa sabungan at malaking halaga na ng pera ang naipatalo nito.