-- Advertisements --

Kasabay ng malawakang National Rally for Peace na isinagawa ng Iglesia Ni Cristo (INC) na sumentro sa Metro Manila, isinagawa rin ang malawakang rally sa iba’t-ibang siyudad sa buong bansa.

Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Philippines, libu-libong miyembro ng INC ang sumama rin sa mga naturang rally.

Ilan sa mga siyudad kung saan isinagawa ang rally ay sa Legazpi City sa Bicol Region, Iloilo City sa Western Visayas, Ilagan City sa Cagayan Valley, Butuan City sa Caraga Region, at iba pang malalaking siyudad sa iba’t-ibang dako ng bansa.

Napag-alaman ng Bombo Radyo na ang mga hindi na sumama sa Metro Manila ay nagtipun-tipon sa ilang itinakdang lugar upang doon manawagan.

Tulad sa Metro Manila, hawak din ng mga ito ang mga plakang nananawagan ng pagkakaisa at hindi pag-aawayan, pagkalinga sa bansa, at hindi pulitika.

Una nang nilinaw ng INC na ang ikinasang malawakang rally ay walang kulay-pulitika bagkus upang igiit ang suporta sa naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang kabuluhan ang pagsusulong ng impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.