Naglunsad ng malawang kilos-protesta ang libu-libong Israelis kasabay ng pag-marka ng ika-9 na buwan mula ng sumiklab ang giyera sa pagitan ng Israeli forces at militanteng Hamas sa Gaza.
Kung saan hinarang ng mga Israeli protester ang mga pangunahing daanan at nagprotesta sa labas ng mga bahay ng mga miyembro ng Israeli parliament
Ipinapanawagan ng mga ito ang pagbibitiw na sa pwesto ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at pagsusulong para sa ceasefire upang maibalik na ang 120 nalalabing mga bihag ng Hamas.
Nagsimula ang tinawag na “Day of Disruption” nitong linggo dakong 6:29AM, oras kung kailan inilunsad ng Hamas militants ang unang rockets sa Israel noong Oktube 7 na kumitil sa 1,200 katao at 250 indibidwal ang binihag.
Sa border naman ng Israel na malapit sa Gaza, nagpakawala ng 1,500 na itim at dilaw na lobo ang Israeli protesters bilang simbolo ng mga pinatay at dinukot.
Ang mga isinagawang demonstrasyon ay sa gitna ng panibagong pagsisikap ng international mediators na maisulong ang kasunduan para sa tigil-putukan.
Ito ay matapos na magpahayag ang panig ng Hamas na nakahanda na silang ikonsidera na lumagda sa kasunduan para sa temporary ceasefire at simulan ang proseso ng pagpapalaya sa mga bihag na nasa Gaza sa kondisyon na mangako ang Israel para sa permanent ceasefire sa Gaza.