Napinsala ang libu-libong kabahayan sa lalawigan ng Batanes bunsod ng hagupit ng Super Typhoon Julian.
Ayon kay Batanes Gov. Marilou Cayco, nasa 60% ng 2,463 sinalantang kabahayan ang nawasak habang 40% naman ang bahagyang nasira.
Iniugnay naman ng opisyal ang mataas na bilang ng mga napinsalang kabahayan sa hindi matibay na pundasyon ng mga bahay dahil gawa ang mga ito sa light materials gaya ng kahoy o tubo simula ng maging protected area ang buong lalawigan
Kayat ipinanawagan ng Gobernadora na kung maaari ay magkaroon ng moratorium sa batas na nagbabawal ng paggamit ng aggregates para sa pagpapatayo ng bahay dahil madalas aniya silang dinadaanan ng bagyo.
Ilang pasilidad din ang nagtamo ng pinsala gaya ng Batanes General Hospital dahil sa hagupit ng bagyo. Nakaranas din ng pagkawala ng suplay ng kuryente at tubig ang lalawigan.
Samantala, ayon kay Gov. Cayco, walang napaulat na nasawi sa kanilang probinsiya sa gitna ng pananalasa ng bagyong Julian. Sa kasalukuyan din, mahigit 2,000 indibidwal na ang inilikas patungo sa mga evacuation center.