-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Umabot na sa 16,755 hectares ng woodland ang tinupok na ng apoy sa Uljin na 333 kilometers South East ang layo sa Seoul, South Korea.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Hazel Anne Cledera, OFW sa South Korea na umabot na sa apat na araw ang nagaganap na wildfires at hindi pa naaapula dahil sa mabilis na kumalat ang apoy sanhi ng malakas na ihip ng hangin at tuyo ang woodland dahil panahon ng winter sa naturang bansa.

Ayon kay Cledera, walang casualties ang naitala ngunit mayroong 512 facilities at 343 na kabahayan ang nasira.

Nagtutulungan ngayon ang 18,000 fire fighters upang apulain ang apoy.

Gumagamit na rin ng 95 helicopters at 781 fire vehicles ang libu-libong bombero sa pag-apula ng wildfires.

Umabot na rin sa 7,355 katao o 4,659 na pamilya ang inilikas magmula noong araw ng Linggo.

Idineklara na ng pamahalaan ng South Korea ang Eastern Coastal areas ng nasalanta ng massive wildfires bilang Special Disaster Zone.

Nangako ang Pangulo ng naturang bansa na tutulungan ang mga naapektuhang mamamayan.