-- Advertisements --

Libu-libong katao sa iba’t ibang siyudad ng Myanmar ang nagsagawa ng kilos-protesta upang kondenahin ang nangyaring kudeta at ihirit ang pagpapalaya sa kanilang lider na si Aung San Suu Kyi.

Ang hakbang na ito ay sa kabila ng pag-shut down ng military junta ng Myanmar sa internet ng bansa.

Karamihan sa mga lumahok sa rally ang nagsuot ng pula, na siyang kulay ng National League for Democracy (NLD) na partido ni Suu Kyi, na nagwagi noong November 8 elections sa pamamagitan ng landslide.

Kung maaalala, hindi kinikilala ng militar ang naging resulta ng halalan at iginiit na may nangyari umanong malawakang dayaan.

Nagmartsa ang libu-libong mamamayan sa Yangon City Hall, hawak ang mga watawat ng NLD o ang larawan ni Suu Kyi kasabay ng pagpalakpak at pagsasayaw.

Maliban sa Yangon, libu-libo rin ang nagprotesta sa iba pang malalaking siyudad ng Myanmar: ang Mandalay at Naypyiday.

Dito ay isinigaw ng mga demonstrador ang kanilang pagtutol sa nangyaring kudeta at ipinanawagan din ang paglaya ni Suu Kyi.

Sa ulat ng monitoring group na NetBlocks Internet Observatory, nagkaroon ng “national-scale internet blackout” sa Myanmar dahil sa 16% pagbaba ng connectivity sa Twitter kumpara sa pangkaraniwang lebel.

Maging ang Facebook ay nanawagan na rin sa junta na i-unblock ang social media.

“At this critical time, the people of Myanmar need access to important information and to be able to communicate with their loved ones,” saad ni Rafael Frankel, pinuno ng public policy for Asia-Pacific emerging countries ng Facebook. (Reuters)