-- Advertisements --

Daan-daang libong katao ang patuloy na dumadagsa sa St. Peter’s Basilica upang magbigay-pugay kay Pope Francis, na pumanaw noong Lunes sa edad na 88. Umabot na sa 48,600 ang nakadaan sa kanyang kabaong hanggang Huwebes ng umaga, ayon sa Vatican.

Bilang tugon sa dagsa ng tao, pinalawig ang oras ng pagbubukas ng basilica na nanatiling bukas mula pa noong Miyerkules ng umaga hanggang 5:30 ng Huwebes ng madaling araw.

Ang kabaong ni Pope Francis ay nakalagay sa harap ng altar ng St. Peter’s, kung saan nakasuot siya ng pulang chasuble, puting mitre, at may rosaryo sa kanyang mga kamay. Isa-isa lamang pinapadaan ang mga tao, karamihan ay kumukuha ng litrato gamit ang kanilang cellphone.

Samantala, libu-libong dayuhang deboto rin ang dumating, kabilang sina Federico Rueda ng Argentina at Leobardo Guevara ng Mexico, na kapwa naghayag ng kanilang paghanga at pasasalamat sa yumaong Santo Papa.

Si Francis, na kilala bilang tagapagtanggol ng mga naaapi at unang papa mula sa Americas, ay binawian ng buhay matapos ang stroke, halos isang buwan matapos makipaglaban sa double pneumonia.

Inaasahan ang pagdalo ng mga iba’t-ibang lider ng bansa sa kanyang libing sa Sabado, Abril 26, kabilang sina US President Donald Trump, Ukrainian President Volodymyr Zelensky, Prince William ng Britain at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Higit sa 170 foreign delegations ang inaasahan na dadalo sa Roma, ayon sa mga awtoridad.

Matapos ang libing, dadalhin ang labi ni Pope Francis sa Basilica ng Santa Maria Maggiore, kung saan siya ay mamalagi.