-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Pinaghahandaan na sa ngayon ng Muslim Community sa South Cotabato ang obserbasyon ng Eid al Adha sa magsisimula ngayong araw, Agosto 11.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay South Cotabato Muslim Affairs Chief Sultan Mutalib Sambuto, nasa mahigit 40,000 na mga Muslim ang sabay-sabay na magsasagwa ng obserbasyon ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice sa probinsya.

Ayon kay Sambuto, isa lamang ang Eid al Adha sa importanteng selebrasyon ng mga Muslim kada taon, maliban pa sa idinaraos na Eid’l Fitr.

Pinaghahandaan din ang “kanduli” o selebrasyon bilang pasasalamat kay Allah.

Ipinahayag din nito na alas-7:00 ng umaga ngayong Linggo ay isasagawa ang Sambayang o pagdarasal sa mga moske sa probinsya upang pormal na buksan ang sagradong obserbasyon at may gaganaping salo-salo.

Napag-alaman na ang Eid ul Adha ang sakripisyong ginawa ni Abrahan sa pag-alay ng mismong anak nito na si Ismael sa panginoon o kay Allah.

Kaugnay nito, hinikayat din ni Sambuto ang lahat ng Muslim na isabuhay ang pagdiriwang.