-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Umabot na sa mahigit 2,000 ang mga naipapadalang Overseas Filipino Workers sa iba’t ibang bansa sa gitna ng pandemya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na patuloy pa rin ang pagpapadala nila ng mga health workers at caregivers sa iba’t ibang bansa pero kailangan ay mayroon silang waiver.

Ito ay para hindi managot ang pamahalaan kapag may nangyari sa kanila sa pupuntahan nilang bansa.

Aniya, kung maari ay ayaw nilang magpadala ng mga OFWs sa ibang bansa pero dahil gusto nilang magtrabaho doon ay nirequire na lamang silang magkaroon ng waiver.

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 2,000 ang naipadala nilang OFWs sa ibang bansa mula nang magkaroon ng COVID-19.

Samantala, maliban sa Japan at China ay wala pa namang ibang bansa na nagpatupad ng travel ban sa Pilipinas.

Ito ay matapos na matuklasan ang bagong variant ng COVID-19 sa United Kingdom.

Kaugnay nito ay dalawang OFWs pa lamang ang naiuulat sa DOLE na nagpositibo sa UK COVID-19 variant.

Kinabibilangan ito ng isang OFW sa United Kingdom at ang isa ring OFW sa Hongkong na nagpositibo pagkagaling nito sa Pilipinas.