-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nagsimula nang umalis sa mga evacuation centers ang aabot sa 2,000 pamilya matapos isinailalim sa forced evacuation dahil sa pananalasa ng bagyong Odette sa lungsod ng Cagayan de Oro.

Naranasan ng buong syudad ang matinding pagbaha kahit hindi tumama ang mata mg bagyo sa kalupaan ng Northern Mindanao.

Karamihan sa mga pamilyang nasa 50 evacuation centers ay mga residente malapit sa Cagayan de Oro River, flood prone at landslide prone area.

Una rito, matapos isinailalim sa signal No. 2, naging lampas tao ang baha mula sa 40 barangays dahil sa urban flooding at pag-apaw ng Cagayan de Oro river.

Wala naman naiulat na casualties ang Incident Management Team (IMT) ng Cagayan de Oro LGU sa magdamag na pag-ulan.

Nakaranas din ng power outages sa loob ng isa hanggang dalawang oras ang mga konsumidores ng Moresco 1, mula sa kanlurang bahagi ng lungsod.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang search and rescue mission ng CDRRMD para sa pamilyang nawawala ang kanilang kaanak sa kasagsagan ng bagyo.

Samantala, aasahan na maglalabas din ng Damage and Needs Assessment (DANA) report ang Department of Agriculture at iba pang ahensya ng gobyerno simula ngayong araw.

Base sa inisyal na report ng DA-10, mahigit 5,000 magsasaka ang apektado ng kalamidad.

Magugunitang tumama ang bagyo sa Mindanao sa mismong ika-10 taon na paggunita sa hagupit ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro City at Iligan na ikinamatay ng aabot 6,000 katao noong Disyembre 16, 2011.