LEGAZPI CITY – Pinayagan nang makauwi sa kani-kanilang tahanan ang libu-libong pamilya sa Albay na inilikas bunsod ng Bagyong Ambo.
Dakong alas-9:00 kaninang umaga ang kautusan sa decampment mula kay Albay Gov. Al Francis Bichara.
Umabot sa higit 14,000 na pamilya ang kabuuang bilang ng mga inilikas mula sa risk areas ng lalawigan.
Ayon kay Albay Public Safety and Emergency Management Office chief Dr. Cedric Daep, ipinagpapasalamat nitong hindi nagdulot ng malaking pinsala sa lalawigan ang pagdaan ng bagyo.
Passable naman ang lahat ng national roads mula sa unang distrito hanggang ikatlong distrito.
Ipinagpapasalamat naman ni Daep na hindi nakapagpadausdos ng lahar deposits ang volume ng ulan na ibinagsak sa lalawigan habang hindi rin nagdulot ng malaking mga pagbaha.
Tinitingnan lamang na nagkaroon ng significant damage ang sektor ng agrikultura lalo na sa mga palay na hindi pa maaring anihin.
Sa ngayon, nag-iikot na rin ang mga tauhan ng Albay Power and Energy Corporation (APEC) upang matingnan ang mga nasirang linya ng kuryente at maisaayos nang sa gayon maibalik ang power supply ngayong araw.