-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagtutulungan na ang mga volunteers ng Our Lady of the Pillar Parish Church (OLPPC) sa pag-repack sa 200 cavans ng well-milled, super white rice, mga kartun-karton ng mga canned goods, noodles at mga hygiene kits na donasyon ng Bombo Radyo Philippines Foundation-Incorporated para sa mga naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Cauayan City.

Sinabi ni Fr. Eustaquio Jaime Aggabao, assistant parish priest ng OLPPC, kung may 1,000 na maire-repack ngayong araw ay maaari na silang makagbigay sa mga barangay bukas o sa araw ng Biyernes.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga opisyal ng barangay para sa maayos na pamamahagi ng mga relief packs mula sa Rombo Radyo Philippines Foundation Inc.

Ayon pa kay Fr. Aggabao, mapapabilis ang kanilang pamamahagi ng mga relief packs sa mga barangay sa Cauayan City sa pamamagitan ng pagpapahiram ng sasakyan ng mga miyembro ng Knights of Columbus tulad ng elf truck ni Ginoong Jun Guzman, dating presidente ng Parish Pastoral Council o sa Cauayan City.

Samantala, sinabi naman ni Art Nisperos, chairperson ng Worship Commission ng OLPPC na malaking tulong para sa mga labis na naapektuhan ng pagbaha ang 200 cavan ng bigas na donasyon ng foundation.

Ito aniya ang pinakamarami nilang natanggap na donasyon.

Nakipag-ugnayan na sila sa mga lay leaders sa bawat barangay para sa listahan ng mga pamilya na labis na nangangailangan ng tulong.

Samantala, ang bawat kaban ng bigas ay 50 kilos kaya ang 200 cavans ay aabot sa 10,000 kilos.

Ang bawat relief pack ay maglalaman ng limang kilo ng bigas na may mga kasamang goods gaya ng de lata, noodles at hygience kits kaya aabot sa 2,000 na recipients ang mabibiyayaan sa donasyon na bigas ng Bombo Radyo Philippines Foundation, Incorporated.